I Am The Walrus






         

November 29, 2008

Buhay UP sa Pagkakasalaysay ng Samaskom (Live AIDS 25)

Filed under: Uncategorized — anagrrrl @ 9:42 am

Bihira ko ito gawin, magsulat ng Tagalog. Pero sanhi ng pagbalik sa pinakamamahal kong UP ngayon para manood ng Live AIDS ng Samaskom, nagkaroon ako ng gana na mag-Filipino para sa sanaysay na ito (o “essay” sa Ingles. Walang translation, sa ngayon, ang “blog”).

Ang UP, para ring tourist destination. May kailangan kang puntahan o magawa para masabi mong nagpunta o namalagi ka sa UP. Kailangan naranasan mo nang bumili ng UP shirt sa shopping center. Magsimba sa chapel na mukhang Starship Enterprise. Kumain ng isaw sa harap ng Kalayaan. Kumain sa CASAA, sa beach house (na wala na raw ngayon?), sa Rodic’s sa SC. Manligaw/magpaligaw sa Sunken Garden o Lagoon. Lakarin ang kahabaan ng University Avenue o Kalayaan Avenue kapag State of the Nation Address (SONA) ng sinumang hinayupak na pangulo, na dahil sa mga rallyistang nakakalat sa Commonwealth Avenue na malapit sa Batasan, walang nagsasakay na UP Philcoa jeep o UP Katipunan jeep.

Marami ring source of entertainment sa UP. UP Fair pag Valentine’s. Freshman Orientation-slash-Eraserheads (the happier years) concert pag Hunyo, Lantern Parade at Oblation Run pag pasko.

Nariyan din ang Live AIDS. Isa itong taunang pagtatanghal ng isang student organization, ang UP SAMASKOM na, natural, mga estudyante ng Masscomm. Nalipat ako ng Masscomm circa 1996 pero di ko naisipang sumubok na sumali dito. Grabe daw ang application process. Pahiyaan talaga. Kapag hell week nila, ang mga kawawang neophyte, minsan naka-dracula costume, pumapara ng jeep, para lang tanungin sa driver kung ano oras. Hindi mo naman ikamamatay kung gagawin mo ito, bad trip lang talaga.

Pero pag nanood ka naman ng Live AIDS, maiintindihan mo ang psychological torture na dinadaanan ng mga aplikante. Bawal ang mahiyain. Bawal ang tamad. Bawal ma-caught-off-guard (ano ba Filipino nun?). Kailangan alerto. Kailangan mabilis tumugon sa kapalpakan. Kahit ano mangyari, “it’s on with the show”.

Sa taong ito, siyempre, ang UP centennial ang theme ng Live AIDS. Isang daang taon na ang pinaka-astig na pamantasan sa Pilipinas. Halos kalahati ng tao na nanood, taga-UP kaya lahat ng inside jokes, get ng mga tao. (Kung may karay-karay ka na jowa mong Lasalista, magkakamot lang siya ng ulo at maglalaro ng PSP sa isang sulok habang humahagalpak ka sa kakatawa).

At dahil UP ito, hindi mawawala ang satiriko ng pulitika. May isang komedyante na nag-monologue, Ador Cuntapay ang pangalan (lalake, malamang gusto din ng lalake), akalain mong sa dinami-dami ng gagayahin, si Michelle Obama pa talaga. Si Michelle Obama! Napakahirap para sa isang komedyante na kumuha ng isang karakter na tulad ni Michelle Obama na wala namang galaw o paraan ng pananalita na madaling gayahin. Hindi tulad ni Sarah Palin na pakindat-kindat, papiyok-piyok, at pa-cute nang pa-cute. Pero ang Ador Cuntapay na ito, ang galing, gayang-gaya niya si Michelle Obama. At nakakatawa siya, pero hindi si Michelle Obama ang pagtatawanan mo, siya.

Karamihan sa mga nagtanhal ay mga estudyante pero may umeksena ding alumni tulad ni Tuesday Vargas at Giselle Sanchez. Si Tuesday Vargas, nasa ABS pa lang siya, gusto ko na siya. Para siyang babaeng Vhong Navarro — sila ang mga lihim kong pinagdadasal kay Lord na sana lumipat na ng GMA. Si Tuesday, medyo tumawid bakod na. Si Vhong, kailangan pa ng marami-raming novena.

Itong linggong ito, para akong loka-lokang paikot-ikot, patakbo-takbo, dahil sa obligasyon at mga pangarap. Sabado ngayon, andito ako sa Starbucks Tomas Morato, kasama si Twilight (na nagpapakitang gilas kasi medyo mabilis na siya ngayon), masakit ang ulo ko sa antok at pagod, pero medyo masaya ako dahil bumalik ako sa UP at naalala ko ang buhay ko noon sa UP. Hindi lang pala medyo masaya. Basta masaya.